Aquino's speech at the 40th anniversary of the declaration of Martial Law

Posted at 09/21/2012 6:01 PM | Updated as of 09/21/2012 6:01 PM

Speech of President Benigno Aquino III at the 40th Anniversary of the Declaration of Martial Law, September 21, 2012

(Delivered at the Bantayog ng mga Bayani, Quezon City)

Magandang hapon po so inyong lahat.

Kagagaling lang po namin sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija. Kung inyong maaalala, taong 1973 nang ikinulong ang aking ama sa kampong ito, sa loob ng tatlumpung araw. Ang pagkakapiit niya sa Fort Magsaysay ay isang maikling bahagi lamang ng pitong taon at pitong buwan na pagpapahirap sa kanya ng rehimeng Marcos. At kung tutuusin, siya ay isa lamang butil ng datos sa mahabang listahan ng libu-libong Pilipino na ipinadakip, na ipinakulong, at kung ‘di-pinalad, na napatay, mula nang diumano’y nilagdaan ni Ginoong Marcos ang proklamasyon ng Martial Law noong ika-21 ng Setyembre 1972.

Ito ang dahilan kung bakit nakatindig tayo’t tinitingala ang bantayog na ito; sumasaludo tayo sa bawat pangalang nakaukit dito. Hindi lang ang aking ama ang ginugunita ngayong araw. Maraming Pilipino ang nagbuwis ng kanilang buhay para bawiin ang demokrasya. Para sa kanilang alaala, sakripisyo, at kabayanihan ang araw na ito: sila ang mga bayani ng panahon ng Batas Militar. Nakaukit man o hindi ang mga pangalan nila sa bantayog ng mga bayani, ang pagtitipon natin ay simbolo ng ating kolektibong pasasalamat sa kanilang kadakilaan.

Apatnapung taon na po ang nakalipas. Subalit hanggang ngayon, tila bulag pa rin ang publiko tungkol sa tunay na mga detalye’t kaganapan noong Batas Militar. Isa na rito ay kung kailan ba talaga nagkabisa ang Martial Law. Marahil, pamilyar ang ilan sa inyo sa video ng deklarasyon, kung saan nakaupo si Marcos, nakaturo sa kamera, at tila nakatitig sa sambayanan nang binigkas, “I signed Proclamation Number 1081 placing the entire Philippines under Martial Law.” Naganap ito noong ika-23 ng Setyembre. Ang tanong ngayon: kung pinirmahan niya ang proklamasyon sa ika-21 ng Setyembre, bakit naghintay pa siya ng dalawang araw bago isapubliko ito? Ang sagot: upang pansamantalang ikubli ang Batas Militar sa taumbayan, at mabigyan siya ng sapat na panahon na masugod at dakipin ang mga walang-kamalay-malay na kumokontra sa patakaran niya. Ito ang dahilan kung bakit noong ika-22 ng Setyembre, inaresto ang aking ama, gayundin ang ilan pang mga personalidad at sibilyan na kilalang banta sa rehimeng binubuo ni Marcos. Lingid din sa kaalaman ng taumbayan na sa parehong araw, inilabas ng dating pangulo ang una, at ang isa sa pinakamasahol na atas niya bilang diktador: ang General Order No.1, na nagsasaad na lahat ng kapangyarihan at operasyon ng buong pamahalaan ay direktang mapapasailalim sa kamay ng nag-iisang tao: kay Ginoong Marcos.

Tumataas na bilang ng krimen, at lumalalang rebelyon mula sa iba’t ibang sektor: ito ang mga binanggit na dahilan ni Marcos kung bakit kailangan ng bansa ang Martial Law. Layon din daw niyang magsulong ng reporma sa mga institusyong panlipunan, pangkabuhayan at pampulitika ng bansa. Ang paghahambing ng kaniyang mga propagandista: kung kamay na bakal ang umiiral sa South Korea at Indonesia, bakit hindi din natin ipatupad sa Pilipinas? Malinaw ang mensahe niya: kung gusto n’yong isalba ang bansa natin sa tiyak na pagguho; kung gusto ninyong maatim ang ganap na kaunlaran, ibigay ninyo sa akin ang inyong kalayaan. Sa unang tingin, simpleng patakaran, ‘di po ba? Tutal naman, kung hindi ka kasabwat sa mga planong pabagsakin ang pamahalaan, wala ka dapat ipangamba; abswelto ka. Pero ang butas: oras na kinuwestyon mo ang mga pasya ni Marcos, may kalalagyan ka.

Labindalawang taong gulang pa lang ako noon, at wala akong ideya sa laki ng magiging epekto ng Setyembre 1972 sa buhay ng aming pamilya. Oo, napansin kong abala at hindi mapakali ang aking ama ilang araw bago ang deklarasyon ng Batas Militar, subalit bilang bata, hindi ko ito pinagtuunan masyado ng pansin. Hindi ko alam, halimbawa, na  ang mga kalye, magkakaroon ng kaliwa’t kanang checkpoint. Na ang mga imprenta ng diyaryo, at ang mga estasyon ng radyo ay pwede nilang ipasara. Na maging ang mga paborito naming programa sa telebisyon, maaaring ipatigil. Na kapag nagsabi ka ng opinyon mo at taliwas ito sa opinyon nila Marcos, puwede kang ipahuli. Na kapag may ginawa kang hindi gusto nila Marcos, agad ka nilang ikukulong.

Sa loob ng labintatlong taon, minaniobra ng rehimeng Marcos ang bawat batas at inilagay sa alanganin ang interes ng karaniwang tao. Sumulat siya ng sarili niyang konstitusyon, at pinausad sa Constitutional Convention para pagbotohan. Nang naramdaman niyang alanganing makalusot ang konstitusyon sa isang plebisito, binago na naman niya ang patakaran. Sa halip, nagkaroon ng simpleng taasan ng kamay sa bawat barangay: isang hakbang na tiyak na pinagmulan ng kuntsabahan at dayaan. Dahil sa konstitusyong ito, kinandado at tinanggalan na niya ng kapangyarihan ang Kongreso. Maging ang Korte Suprema, batay sa desisyon nila sa kasong Javellana versus Executive Secretary noong Marso 1973, epektibo na ang bagong Saligang Batas ni Ginoong Marcos. Nagtagumpay siyang likumin ang lahat ng kapangyarihan ng estado, at nagsimula na ngang isadlak sa bangin ng diktadurya ang bansa.

Pagdating ng 1978, nagsimulang mabuo ang mga alinlangan ng nakakarami sa sinseridad ng Batas Militar. Ang mga dating nagkikibit-balikat sa mga kwestyonableng pangyayari sa lipunan, unti-unting nakaramdam ng pagkadismaya at galit. Hindi na nila kayang manahimik sa sunud-sunod at ‘di-maipaliwanag na pagkawala ng sibilyan. Sawa na silang magbulag-bulagan sa korupsyon at pang-aabuso ng mga opisyal ng pamahalaan. Maging ang mga sundalong ginagamit ng rehimen para maghasik ng sindak, takot at dahas, nagsimula nang magtanong: tama pa ba ang ginagawa namin? Kung kami’y mga kawal ng bayan, bakit kami inuutusang saktan ang mga kapwa naming wala namang kalaban-laban? Wala talagang pinalampas ang diktadurya. Lahat ng tao, sinagasaan ng Martial Law. Lahat, kabilang na ang mga sundalo, biktima rin nito. At noong gabi ng ika-6 ng Abril 1978—bisperas ng halalan para sa Interim Batasang Pambansa—dumagundong ang ingay ng libu-libong Pilipinong nakilahok sa noise barrage para suportahan ang partido ng aking ama, at tumuligsa sa diktadurya. Hindi man sila nagwagi sa nangyaring halalan, ang ingay ng nasabing protesta ay nagbigay-daan sa marami pang demonstrasyon. Sa eskwela. Sa mga plaza. Sa mga opisina ng pamahalaan. Wala silang piniling lugar, basta lang maisatinig ang nagkakaisang hinaing: Tama na, sobra na, palitan na.

Bilang reaksyon sa mga kritisismo mula sa ibang mga bansa, pormal niyang ibinaba ang Martial Law sa bansa noong 1981. Pero tulad ng inaasahan, kailangang lamang pa rin si Marcos. Dahil sa pag-amyenda niya sa Kontitusyon, hawak pa rin niya ang kapangyarihan sa bansa. Sa madaling salita, binilog lang ang ulo ni Juan dela Cruz. Hanggang sa umabot sa insidenteng naging mitsa ng isang rebolusyon: sa tarmak ng airport, bago pa man siya muling makatapak sa sarili nating lupa, umalingawngaw ang mga putok ng baril. Pinatay ang aking ama.

Ito ang magiging hudyat ng isang himagsikan. Ang mga Pilipinong dati ang bukambibig ay, “sige pagbigyan na natin si Marcos, baka gumana,” ay naging mga kritikong nagtatanong na, “kung nagawa nila ito sa isang dating Senador, paano pa kaya sa mga karaniwang mamamayan na tulad namin?” Lalo pa siyang naibaon sa hukay ng agam-agam nang nasaksihan ng buong mundo ang pagwalk-out ng dalawampu’t siyam na computer technician bilang protesta sa sapilitang pagmamanipula ng boto para palitawin na si Marcos ang panalo noong 1986.  Milyun-milyong katao ang nagtipon sa EDSA upang ipaalam kay Marcos na sawa na sila sa Batas Militar. Sinalubong ng mga nagdarasal na madre ang mga dambuhalang tangke; nagkapit-bisig ang mga sundalo at ordinaryong tao sa gitna ng rally. Mapayapa nating pinabagsak ang diktadurya; tinapos natin ang Martial Law gamit ang pananampalataya at tiwala sa isa’t isa.

Nais ko lang pong linawin: Nabawi natin ang demokrasya, hindi dahil sa asasinasyon ng aking ama. Nabawi natin ito dahil may daan-daang bayani pa tayong tumaya para ipaglaban ang karapatan ng mga inaaapi; dahil may iba pang pilit na pumalag upang pabagsakin ang naghahari-harian; dahil may iba pang hindi nagpaalipin sa mga kagustuhan ng diktador, at nanindigan para sa karapatan ng kanilang kapwa; dahil may iba pang martir na bumaklas sa tanikala ng rehimeng Marcos, kahit pa alam nilang buhay nila ang nakataya.

Hindi ko alam kung minsan kung matatawa ako, o iiling na lang sa tuwing may mga ipinagduduldulan ang ideyang mas maganda raw ang buhay noong Martial Law. Maraming nagtatagisang pananaw sa mga panahong iyon, at hindi ko masisisi kung may mga kababayan tayong kampi talaga sa kanya, at sinasabing kung natuloy daw ang Martial Law, tiyak na mas maunlad at matiwasay tayo ngayon. Na kinakandili na daw dapat tayo ngayon ng isang bagong lipunan. Karapatan po nilang ihayag ang kanilang opinyon at iginagalang natin ito. Pero habang pinipilit nating maging patas at makatwiran sa kanila, sana’y masagot din nila tayo nang mata sa mata kung tanungin natin sila ng: May ibinunga bang maganda itong Martial Law? Paumanhin po, pero hindi ko hahayaang may maligaw na kaisipan dahil sa baluktot na persepsyon ng ilan.

Magderetsahan po tayo. Kung Batas Militar ang sagot para bumaba ang krimen, bakit tadtad tayo sa balita tungkol sa pagkawala, salvage, at summary execution noong Martial Law? Kung Batas Militar ang sagot para mapatid ang pag-usbong ng komunismo, eh bakit ayon sa librong Dictatorship and Revolution: Roots of People’s Power, mula sa halos 1,250 kasapi noong 1972, tumaas sa tinatayang 40,000 ang bilang ng NPA pagdating ng 1983? Kung Batas Militar ang tugon para gumanda ang ekonomiya, bakit noong pag-upo niya, four is to one ang dollar, pero sa pagbagsak ng kanyang rehimen, 25 is to one na ito? Ito ba ang ipinapangako nilang bagong lipunan? Kayo na po ang humusga.

Upang matiyak na ang mga ipinapasa nating mga impormasyon sa mga kabataan ay nakabatay sa tunay na nangyari sa kasaysayan, inatasan ko ang National Historical Commission of the Philippines na bumuo ng isang komisyon. Ang layon: ang masusing paglikom sa mga karanasan at kuwento ng mga indibidwal na talagang nabuhay noong panahon ng martial law. Nais nating tiyakin na katotohanan lamang ang bukal ng mga impormasyong nakalimbag sa mga aklat ng mga estudyante— hindi sa pinagtagpi-tagping kasinungalingan ng mga propagandista; hindi sa mga retaso ng panlilinlang ng mga rebisyonista.

May kasabihang “ang mga nakakalimot sa mga kamalian ng nakaraan ay laging nasa bingit na ulitin ito.” Huwag na nating pahintulutan na maulit pang mailagay sa alanganin ang ating karapatan at kalayaan. Hindi ako makakapayag na maipasang muli sa susunod na henerasyon ang mga pagkakamali ng kasaysayan. Pahalagahan natin ang pamana’t aral ng Batas Militar. Tungkulin ng bawat isa sa ating alagaan ito, gamit ang tiwala sa isa’t isa, pagmamahal sa katotohanan, at higit sa lahat, sa pagkilala’t pagbibigay-halaga sa sakripisyo ng ating mga bayani. Huwag nating sayangin ang kanilang ipinaglaban. Ayokong maranasan ninyo ang pinagdaanang hirap at sakripisyo ng aking ama, at ng iba pang naging biktima ng Martial Law. Itinatama natin ang mga baluktot na prinsipyo’t kaisipan upang higit na ipaalala ang halaga ng demokrasya at kalayaan, gayundin ang tunay na kabayanihan ng mga Pilipinong lumaban sa diktadurya. Katapatan at katotohanan lamang ang tangi nating lalakaran sa tuwid na daan. Hindi na tayo kailanman maliligaw, at ang tanging ipapamana namin sa inyo—sa ating mga kabataan—ay isang maliwanag, malaya, at makatarungang bayan.

Magandang hapon po sa lahat. Maraming salamat po.